Nagkakaisa ngayon ang sambayanang Filipino tungo sa hinahangad na kapayapaan sa Marawi City matapos ang pagsalakay ng teroristang grupong Maute.

Sa pinakahuling ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nasa limang miyembro ng tropa ng gobyerno ang nasawi habang mahigit sa 20 katao ang sugatan dahil sa nangyaring paglusob ng Maute group.

Ang karahasan ng bandidong grupo ay nagpapatuloy kung saan ay sinasabing may ilan pang hawak na bihag ang Maute group.

Kaya nakikiisa kami sa panawagan ng iba’t ibang grupo na manalangin at ipagdasal ang kapayapaan sa Marawi City.

Hangad naming wala na sanang buhay pa ang malagas at ­inosenteng sibilyan na madamay pa sa insidenteng ito.

Matapos na rin sana ang kaguluhan upang sa gayon ay ­hindi na tumagal ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao at maipagpatuloy na ng ating mga kababayan sa rehiyon ang normal nilang pamumuhay.

Kaya mangyaring ibigay ng taumbayan ang kooperasyon sa mga awtoridad upang sa gayon ay maging mabilis ang paglipol sa mga teroristang grupo na siyang punu’t dulo ng kaguluhan sa Mindanao at manumbalik na ang katahimikan at kapayapaan sa buong bansa hindi lamang sa rehiyon ng Mindanao.

Mangyari ring iwasan ang pagpapakalat ng mga negatibong impormasyon na hindi naman beripikado dahil lalo lamang itong makakadagdag sa kalituhan ng taumbayan at kalaunan ay hindi malayong magdulot pa ng kaguluhan at pag-panic ng ating mga kababayan.