Gumulong na ang pagdinig ng komite sa Senado kung dapat bang pagbigyan ang panukalang iurong muna ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sa Oktubre 31.

Magkakaibang kadahi­lanan ang isinulong ng mga senador kung bakit dapat magkaroon o hindi ng postponement.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committe on Local Government, bago o sa Setyembre ay maglalabas ng committee report ang Senado tungkol sa papapaliban ng eleksyon.

Maari umanong isagawa ito sa susunod na taon para hindi maisabay sa loob ng isang taon ang dalawang eleksyon.

Pinag-iisipan pa ng Senado kung kailan isasagawa ang halalan ngunit maaa­ring sa Mayo ito o Oktubre.

Pinahinto muna ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga balota hangga’t wala pang pinal na desisyon ang kongreso hinggil dito.

Umaasa sila na madedesisyunan ng Kongreso sa Setyembre 1 kung ipagpapaliban ang barangay at SK elections.

Ayon naman kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno, dahil katatapos lang ng national elections, maaapektuhan pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno ng mga Comelec election ban kung magdadaos muli ng isa pang halalan ngayong taon.

Sang-ayon din ang League of Provinces, Cities, Municipalities at maging ng Liga ng mga Barangay sa naturang panukala. Natural lamang na paboran nila ito, kasi nga makakalamang dito ang incumbent officials, ‘di ba?

Ang katuwiran naman ng isa sa mga naghain ng panukalang postponement na si Congressman Ace Barbers, makatitipid umano ng bilyong piso ang pamahalaan kung maipagpapaliban ang eleksyon, ang mala­king pondo umano na matiti­pid ay maaaring mailaan sa mas mahalagang proyekto gaya ng scholarships, pagpapagawa ng mga daan at school building.

Ngunit ang National Youth Commission (NYC) at SK Reform Coalition, nais nilang ituloy ang SK elections na dati nang naipagpa­liban noong 2013.

Ayo­n naman kay election lawyer Atty­. Romulo Macalintal, labag sa Saligang Batas kung ipagpapaliban ng kongreso ang barangay election.

Ang punto ko naman dito, hindi ko naman nilalahat, pero kung hindi ito itutuloy ay mas malaki ang mawawala sa pondo ng barangay sa Pilipinas.

Bakit ‘kamo? Dahil mas malaki pa ang makukurakot at patuloy na magpapayaman itong mga kurap na barangay official dahil madadagdagan pa sila ng isa pang taon.

Samantalang ang mga residente ng barangay na kanilang nasasakupan ay pa­tuloy na nagtitiis at nagdurusa sa kanilang pamamalagi sa poder, sa halip sana na may kapangyarihan na silang palitan ang mga walang silbi nilang kapitan at mga kagawad.

Lantad naman sa kaala­man ng publiko na mara­ming palpak at inutil na opis­yal ng barangay na gusto na ng publiko na matanggal na sa pamamagitan ng eleksyon.

Kung nais natin ng tunay na pagbabago, ang eleksyon ay matibay na sandata ng mamamayan laban sa mga barangay official na sangkot sa droga at iba pang iligal na gawain na dapat nang matanggal sa puwesto.