Ipagpasalamat nga ba kay Villar?

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Nasa kalagitnaan ng Third Round ng negosasyon sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Roma, Italya na nagsimula noong nakaraang Huwebes at nakatakdang magtapos sa Enero 25 upang talakayin ang masasalimuot na usaping patuloy na humahadlang sa tuluyang pag-abot sa minimithing kasunduan.

Ngunit ayon sa mga tagapagsalita ng komunistang rebelde nakaraang Martes malabong marating ang kasunduan ngayong taon, kaiba sa optimistikong inaasahan ng mga nasa panig ng gobyerno. Ayon NDFP, ang tinitingnan nilang petsa ay aabutin pa ang dalawang taon o bago magtapos ang 2019.

Kung si Fidel Agcaoili, pangunahing negosyador ng NDFP, ang papaniwalaan, nangangati na umano ang kanilang puwersa sa baba na tuldukan na ang pansamantalang ceasefire dahil dismayado ang mga ito sa patuloy na pagtalikod ng gobyerno sa mga pangakong binitawan nito. Ibig sabihin, may agam-agam ang mga rebolusyunaryong hukbo sa sinseridad ng gobyerno.

Ang nasabing mga rebelde ay patuloy na nakiki­pagbaka at nakikipagbakbakan sa gobyerno mula pa noong 1968 na kanilang tinaguriang ‘national democratic revolution’ upang pataldikin sa bansa ang sistemang kapitalismo. Mahigit 30,000 katao na ang kinitil ang buhay sa armadong tunggaliang ito, ayon sa militar.

Isa sa pangunahing usapin sa isyung ito ay ang ipinangakong pagpapalaya ng halos limandaang mga political detainees na nakapiit sa iba’t ibang kulungan sa bansa. Bago magtapos ang taon, iilan lamang ang pinalaya ng gobyerno dahil sa katandaan at karamdaman.

Dito nagkukuyumos ang damdamin ng mga rebelde, sampu ng marami pang malalaking usapin kabilang na ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong huling bahagi ng nakaraang taon.

Sa puntong ito, dahil sa patuloy na pagnipis sa bilang ng mga armadong kadre ng mga rebelde sa maraming bahagi ng bansa, lamang ang gobyerno sa ‘bargaining chips’ at nasa ‘position of strength’ ito. Hindi kaya nagmumukhang namimiga na lamang ang kilusang komunista upang sagarin ang makukuhang benepisyo mula sa gobyerno?

May mga tagamasid na nagsasabing malaking bahagi ng pagnipis ng hanay ng CPP-NPA ay ang ‘conversion’ ng mga lupain sa kanayunan mula agrikultural o agro-forestry patungong residential o industrial.

Pagkaalam natin, ang mga lupaing VistaLand ng mga Villar pa lamang ay patuloy ang agresibong pagpapalawak ng kanilang development sa 100 mga bayan sa 35 mga lalawigan sa buong bansa sa pagtatapos ng taong 2015 pa lamang.

Nagkandaubos na ang mga bundok na pinagkukutaan at kagubatang pinagtataguan ng mga rebelde at kung ganito ang sitwasyon, aba’y dapat pang papurihan at parangalan ang pamilya Villar sa paghina ng komunistang grupo.

Ngayong nakaupo sa Public Works Department si Secretary Mark Villar, maraming proyektong kalsada na naman ang maipapagawa sa mga malalayong lupalop na aabot sa kuta ng mga rebolusyunaryo. Ang biruan ng mga kurimaw: kailangan pa ba ang peace talks kung wala na rin masulingan ang mga ito? La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

***

(Twitter: follow@dspyrey)