Dear Kuya Rom,
Parehas kaming hotel worker, magkasama sa trabaho. Matagal nang magkakilala at masasabi kong close friends kami. Madalas akong nasa bahay nila kapag weekend. Malapit sa akin ang tatlong anak niya. Alam niyang mabait ako sa kanila.
Ang hindi niya alam, ako ay gay. Maraming kaibigan ko ang nakakaalam nito. Pero siya, walang alam. Ako ay lalaking-lalaki sa labas, pero gay ako, babae sa loob.
Narinig ko mula sa kanya na may isang kaibigan siyang bakla noon at natutuwa siya kapag kakwentuhan niya ito. Ang taong ito ay nasa Australia na.
Ngayon, kinunuha niya akong ninong ng bunso niyang anak na lalaki. Gusto raw niyang kumare ko siya at kumpare niya ako. Naaalangan ako, kasi commitment ito.
Hindi ko naman masabing ayaw kong maging ninong at baka makasira ito sa pagiging friends namin. Ipagtatapat ko ba sa kanya ang totoo? Anong gagawin ko? — Ken
Dear Ken,
Dahil nasabi niyang may kaibigang bakla siya noon, tanungin mo siya kung ano ang gusto at ayaw niya sa kaibigan niyang ito? Mula sa kanyang sagot, malalaman mo kung pwedeng magladlad ka sa kanya o hindi.
Para sa isang ina, ang pagbibigay ng pagkakataong maging ninong ka ng kanyang anak ay nagpapakita ng pagtitiwalang magbibigay ka ng mabuting ehemplo sa buhay ng bata. May nakita siyang mabuti sa iyong pagkatao, kaya’t malapit ang kanyang pamilya sa iyo.
Para sa iyo, ang pagiging ninong ay isang karangalan. Ang totoo, ito ay isang malaking responsibilidad na nangangailangan ng commitment mula sa iyo. Kaya’t kung hindi ka handa sa commitment na ito, pag-isipan mong mabuti.
Unawain mong ang pagiging ninong ay pagtanggap ng isang mahalagang tungkulin. Kapag ninong ka, tumatayo ka hindi lamang bilang kaibigan ng pamilya kundi bilang pangalawang ama ng bata. Kapag dumarating ang isang malaking krisis sa pamilya, ikaw ay inaasahang tatayong magulang ng bata.
Unawain mo na ang tatay mo ay nilikha ng Diyos na lalaki at ang nanay mo ay nilikhang babae. Ang kalooban ng Diyos sa kanilang buhay ay magmahalan. Ang bunga ng kanilang pagmamahalan ay ikaw.
Unawain mong nilikha ka ng Diyos bilang lalaki. Ang layunin ng Diyos sa iyo ay makapag-asawa ka ng isang babae at maging ama at magulang ng isang bata o mga bata na galing sa iyong dugo.
Ipagtatapat mo ba ang totoo? Ken, ang totoo ay lalaki ka. Huwag kang palilinlang sa diablo na nagsasabing babae ka sa loob. Ang diablo ay sinungaling. Ang hugis ng iyong katawan ay lalaki. Ang dumadaloy sa loob ng iyong katawan ay dugong lalaki. Kaya’t mamuhay ka ayon sa totoo.
Dahil lalaki ang anak ng kaibigan mo, mabuting magpakalalaki ka sa harap niya. Ikaw ay magsilbing ehemplo sa bata ng isang lalaking nilikha ng Diyos.
Ken, ang pagiging ninong ay pagmamahal at pagiging responsable sa buhay ng batang ito habang ikaw ay nabubuhay. Gawin mo ito dahil ito ay nararapat sa paningin ng Lumikha. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom