Madalas mabiktima ng pang-aabuso ang mga Pinay domestic helper (DH) na nakikipagsapalaran sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Sa kasalukuyan ay nakakagulat ang paglitaw ng datos na aabot na sa 196 na Pinay workers ang namatay sa Kuwait pa lang sa loob ng nakalipas na 2 taon.
Tanggapin nating lahat na masyadong mababa ang tingin ng karamihan, bagaman hindi lahat, ng mga Arabo o mamamayan sa mga bansa sa Middle East na ang nangunguna ngayon sa listahan ay ang Kuwait.
Panahon na upang itigil na ang pagpapadala sa mga bansang may nangyayaring pag-abuso sa mga Pinay DH.
Mas makakabuting baguhin ng gobyerno ang pagpapahintulot na makalabas ang mga kababaihan para magtrabaho sa ibang bansa.
Masyadong niyuyurakan ang ating kababaihan dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na sa Gitnang Silangan ay kakaiba at hindi pantay Ang pagtrato sa mga kababaihan.
Kung gusto talagang magtrabaho ng isang Pinay sa Middle East ay ibang propesyon o uri ng trabaho at ito ay dapat maging skilled worker na.
Dapat ay itaas na nating mga Filipino ang standard at uri ng mga Pinay na manggagawa at kung maaari ay alisin na ang mga DH.
May mga masuwerte namang Pinay DH ang nakakatiyempo ng mabuti at mabait na amo sa Gitnang Silangan pero papaano naman ang natapat sa salbahe na maraming bilang din ang magdudusa.
Kung totoong gumaganda ang ekonomiya ng Pilipinas ayon sa mga economic manager ng Duterte administration ay tapusin na nito ang pangingibang bansa, lalo na ng mga Pinay worker at hayaang dito na lang sa loob ng bansa magtrabaho upang makaiwas sa pagmamaltrato at hindi na rin malayo sa kanilang pamilya.
Ipinagmamalaki ng Duterte administration na lalo pang sumisigla ang ekonomiya ng bansa at makakabuting ito ay pakinabangan na ng mga Filipino at mauna na ang mga Pinay DH para maalis na rin sa mga posibleng panganib.