Sa kabila ng paghihirap na dinanas ng mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) partikular ang 128 na ni-repatriate galing Saudi Arabia ay kitang-kita ang pagbibigay importansiya ng gobyerno sa mga ito.

Kaya naman naibsan ang hinanakit ng mga ito nang lumapag sa paliparan dahil bumungad sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang iba pang opisyales ng gobyerno.

Hindi lang basta presensiya ang naramdaman ng may 128 distressed OFWs dahil pinasalubungan din ang mga ito ng tig-P5,000 cash at bigas na mula mismo sa tanggapan ni Pangulong Duterte bukod pa sa naunang ipinangakong P26,000.

Bukod sa nasabing mga pasalubong ay may magaganda ding binitiwang pangako ang Pangulo para sa kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya ang inanunsyo na alam nating magkakaroon ng katuparan dahil kilalang “man of action” ang ating Pangulo.

Kaya naman ramdam ng mga OFW at maging ng taumba­yan na nakapanood sa pagharap ng Pangulo sa mga dumating na OFWs ang malasakit ng gobyerno sa mga OFW na tinatawag nating mga “bagong bayani”.

Mahirap magkumpara pero, ibang-iba talaga ang pagtratong ipinakita ng gobyernong Duterte sa mga OFW, masyadong mabilis ang naging pagtugon sa kanilang mga panawagan.

Sabagay ganito dapat talaga ang pagtratong ibinibigay sa mga OFW, tunay na serbisyo dahil talaga namang malaki ang kanilang nagiging kontribusyon sa paglago ng ating ekonomiya at napatunayan na ito sa mahabang panahon kaya marapat lamang na kalingain sila sa oras ng kanilang kagipitan.

One Response