Ipinanood pa sa 2-anyos na anak ng biktima buntis ni-rape ng 4 pulis-Bulacan

Apat na pulis-­Bulacan ang inireklamo ng isang buntis na ginang na halinhinang gumahasa diumano sa kanya at gumawa ng iba pang kalaswaan sa harap ng paslit pa niyang anak sa loob ng kanilang taha­nan sa Brgy. Bangkal, ­Meycauayan, Bulacan.

Ang 29-anyos na ­biktima ay eksklusibong nakapanayam ni Jun Veneracion ng GMA News at isiniwalat nito ang mga pinaggagawa sa kanya ng apat na hindi pa pinangalanang mga pulis.

Sa kanyang salaysay, kinokolekta umano niya ang bayad mula sa kanyang mga pautang na 5-6 sa loob ng kanilang bahay nang biglang pumasok ang mga pulis na noo’y nagsasagawa diumano ng anti-illegal drugs operation.

Pinaalis umano ng mga pulis ang ibang tao sa loob ng bahay ng biktima at sila na lang ng dalawang taong gulang niyang anak ang pinaiwan sa kuwarto.

Ayon sa biktima, hindi na siya nanlaban pa matapos pagbantaan ng isa sa mga pulis na gagahasain ang kanyang anak. Napigilan umano niya ito matapos na magmakaawa na huwag gagalawin ang kanyang anak.

Doon na umano siya pinuwersang i-oral sex ang naturang pulis habang katabi ang kanyang anak. Hanggang sa may pumasok na isa pang pulis at ito naman ang gumahasa sa kanya kasunod ang dalawa pang pulis. Dalawa umano sa mga suspek ang nagparaos pa sa sarili sa harap nilang mag-ina.

Napag-alaman na sinamahan ng GMA News ang biktima sa tanggapan ni Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., ang director ng Bulacan Provincial Police Office, na ipinatawag naman umano sa kanyang tanggapan ang mga pulis na kasama sa isinagawang anti-illegal drugs operation.

Apat na pulis ang iniharap sa ginang at tatlo sa mga ito ang positibong itinuro ng biktima na nakilalang sina PO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo delos Santos at PO1 Jere­my Aquino. Hindi pa natutukoy ang ikaapat na suspek na pulis pero itinanggi umano ng mga itinuro ng ginang ang paratang sa kanila.

Nag-follow-up sa tanggapan ni Caramat ang Abante TONITE kagabi at nabatid na ­ni-relieve na nito sa ­puwesto ang apat na sangkot habang iniim­bestigahan ang kaso.

Wala ring nagsasalita mula sa mga tauhan ng Meycauayan Police tungkol sa insidente.