Iprayoridad ang rehab centers

Ang tindi na ng problema ng mga local government units (LGUs) sa mga drug independents na nagsisuko bilang resulta ng pinaigting na kampanya ng gobyernong Duterte laban sa iligal na droga.

Patuloy na kasi ang paglobo ng bilang ng mga users at drug pushers kaya sumasakit na ang ulo ng LGUs dahil hindi nila alam kung papaano ito haharapin.

Sabagay nga naman biglaan ang pangyayari. Walang kongkretong planong inilatag para tugunan ang problema dahil alam naman talaga nating limitado ang pondo ng mga LGUs sapagkat nakakalat na ito sa iba’t ibang tanggapan bukod pa sa nangyari ang serye ng pagsuko ng halos kalagitnaan na ng taon.

Kaya naman nakikita natin ang matinding pangangailangan para tugunan ng national government ang problemang sa kanila bumagsak.

Hindi tayo naninisi sa biglang buhos ng mga nagsisukong mga kababayan nating sangkot sa iligal na droga dahil patunay ito ng malalang problema ng lipunan sa iligal na droga at posi­tibo naman sa panig ng gobyernong Duterte na siyang pangunahing nagsulong ng kampanya na unti-unti nang ramdam ang tagumpay ng all-out-war sa illegal drugs.

Bunsod ng matinding pangangailangan para tugunan ang pangangailangan ng mga LGUs ay suportado natin ang panawagang pagbibigay importansiya ng pamahalaan sa usaping ito.

Huwag na sanang hintayin pa ang susunod na taon para pag­laanan ng pondo na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga sumuko at naarestong drug defenders dahil ngayon ito kailangan.

Naniniwala kami kagaya ng sinasabi ni Senator Vicente Sotto­ na executive order lamang sa kung anumang isinulong na panukala ay makakagawa na ng remedy ang pamahalaan para maalalayan ang mga kababayan nating naghahangad na magbagong-buhay at tuluyan nang tinalikuran ang paggamit ng iligal na droga.

Tutal din naman ay hangad ng gobyernong Duterte na baguhin ang mga kababayan nating nagbenta at gumamit ng iligal na droga ay itodo na natin ang ating suporta sa pamamagitan ng paggawad sa kanila ng kinakailangang suporta tungo sa hinahangad nating lahat na bansang ligtas sa iligal na droga.