Kumayod si Congo star Grace Irebu ng double-double upang akbayan sa panalo ang University of Santo Tomas matapos kalusin ang De La Salle, 79-67, kahapon sa UAAP Season 81 women’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Nirehistro ni Irebu ang 29 points upang tulungan ang Tigresses na sikwatin ang natitirang Final Four berth.
Pangalawang panalo ng UST sa Lady Archers sa loob ng 5 araw, unang sinakmal ang 68-65 bentahe noong Biyernes upang makapuwersa ng playoff para sa No. 4 spot.
Nangamada rin si Sai Larosa ng 18 markers at four boards habang bumira si Tin Capalit ng 16 pts. para sa UST.
Nagtala si Clare Castro ng 25 markers at 16 boards para sa Far Eastern University na hinablot naman ang twice-to-beat bonus sa step-ladder semifinals matapos kaldagin ang Adamson University, 67-63.
Mapapalaban na naman ang Tigresses sa isa pang do-or-die match pagharap nila sa Lady Falcons sa first step-ladder match sa alas-11:00 ng umaga sa Linggo sa Big Dome.
Tumulong din sa opensa para sa Lady Tamaraw si Valerie Mamaril na may 14 markers, apat na rebounds at apat na assists.
Target ng National University na lapain ang fifth straight title, dumiretso agad sila sa Finals matapos walisin ang 14-game elimination round.