Humalimaw ang nakatakdang putungang MVP na si Grace Irebu ng 28 points, 20 rebounds at 3 blocks nang masalag ng University of Santo Tomas ang makulit na buwelta ng Adamson University 78-69 kahapon sa 81st University Athletic Association of the Philippines 2018 women’s basketball stepladder semifinals sa Big Dome sa Quezon City.
Sunod na makakasagpangan ng UST Tigresses ang No. 2 seed Far Eastern University para sa 2nd at last Finals slot ng 8-team league.
Nakahulagpos ang España-based dribblers ng 46-25 2nd half lead, pero nagbanda nang pambihirang porma hanggang dulo upang masipa na ang Lady Falcons sa playoffs.
“The composure was there. That pushed us for the win yung maganda naming depensa,” dada ni coach Haydee Ong pagkatawid ng USTe sa 3rd straight do-or-die match, kabilang ang 2 kontra De La Salle University.
Naghuramentada si Irebu sa gitna na walang makasawatang Adamsonista sa kanya.
“Grace proved so many times, especially sa knockout games, that she’s the 2018 MVP. Hopefully, she will get better every year,” wakas ni Ong.
Bumak-ap si Sai Larosa kay Irebu ng 17 pts., 8 rebs., 3 assists at 2 steals para maitakda ng UST ang pagharap sa may 2x-to-beat Lady Tamaraws sa nasabing QC playing venue pa rin sa Miyerkoles.
Sasagupa ang papalarin sa stepladder simula sa Disyembre 1 sa defending 4-time champion National University sa best-of-3 title series.