Samu’t sari ang naging reaksyon ng taumbayan sa ­biglaang pagpapalit ng pinuno ng Senate Justice Committee matapos na patalsikin ang dating chairman ng komite na si Sen. Leila de Lima.

Naging daan din ang desisyon para magbatuhan ng kani-kanyang pananaw ang mga tagasuporta ni Pangulong ­Rodrigo Duterte at Sen. De Lima.

Pero lalo nang uminit sa social media.

Nirerespeto natin ang opinyon ng bawat isa, ang sinuman­ sa atin ay may karapatang maghayag ng saloobin sa mga maiinit na isyung bumabalot sa ating lipunan ­bilang ­pagkilala sa demokrasyang tinatamasa ng ating bansa.

Kaya naman walang magiging mali o tama sa magiging­ pananaw o saloobin ng bawat mamamayang Filipino.

Ang sa amin lamang maging mabusisi tayo sa lahat ng naririnig nating mga impormasyon at huwag basta-basta paniwalaan.

Maraming nagsasalita­ at magpapanggap na katotohanan­ ang kanilang mga ­sinasabi pero hindi ito sapat na basehan para ating paniwalaan bagkus ay ­matuto ­tayong ­bumusisi sa mga detalye sa sarili nating pamamaraan.

Pero sana kasabay ng ating gagawing pagbusisi­ sa katotohanan sa mga nangyayari sa ating paligid ay huwag tayong magpaapekto sa magkakalabang mga pulitiko o opisyal ng ating gobyerno at sa halip ay pairalin ng bawat isa sa atin ang pagiging patas sa lahat ng usapin kung saan ay ang kapakanan nating lahat ang dapat ­manaig o binibigyang importansiya.