Matagal nang pinag-aalsa balutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga appointees ng nagdaang administrasyon.

Sa kabuuan ay marami naman ang tumalimang presidential ­appointees.

Maliban sa dalawang hindi raw sakop ng kautusan na sina ­Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar at Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Patricia Licuanan, na umano’y kapwa may fixed term.

Kung may fixed term na matatawag sa posisyong ibinigay si ­dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino sa ERC at CHED chairman ay malaking problema nga ito dahil may batas na nag-aatas kung hanggang kailan sila mananatili sa puwesto.

Pero ang sa amin, kahit armado ng batas ang pananatili sa ­puwesto ng mga naging appointees ni dating Pangulong Aquino ay mahalagang tumalima sila sa panawagan ng kasalukuyang administrasyon na ang layon ay magpatupad ng pagbabago sa ating lipunan.

Dapat ay bigyang laya ng mga iilang naiwan pang appointees ng nakaraang administrasyon ang pamunuang Duterte na pag-aralan ang kanilang performance kung karapat-dapat ba silang panatilihin sa puwesto.

Ang sa amin kahit sinasabi­ ng batas na dapat manatili­ sa isang puwesto sa loob ng itinakdang panahon, mahalaga pa ring bigyang-laya ang bagong liderato na magdesisyon upang makita ang sensiridad nila sa paghawak sa tungkulin at hindi ­kapangyarihan lamang ang hangad.

Para sa amin, kahit nabigyan ng fixed term ay mahalaga pa ring sumunod sa kagustuhan ng bagong liderato dahil bilang lider ay karapatan nitong magdesisyon kung sino ang nais nilang italaga sa bawat puwesto para hindi maging sagabal sa pag-abot sa mga magagandang hangarin tungo para sa bayan.