IRR ng Expanded Maternity Leave Law pinirmahan

Kasabay ng Labor Day kahapon, nilagdaan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Expanded Maternity Leave Law.

Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na lumagda sa IRR ang Department of Labor and Employment (DOLE), Civil Service Commission (CSC) at Social Security System (SSS).

Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law na ganap na naging batas matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ay bibigyan ng 105 araw na paid maternity leave ang mga ina.

May opsyon din sila na palawigin ng 30 araw pa ang maternity leave subalit hindi na ito babayaran at kailangang pormal na abisuhan ang kanilang mga employer bago pa matapos ang nauna nilang maternity leave.

Nakasaad din sa batas na puwede rin i-transfer ng nanganak na ginang sa kanyang mister ang pitong araw sa kanilang maternity leave.

Ang IRR na lamang ang hinihintay para tuluyang maipatupad ang Expanded Maternity Leave Law.