Kinulang ang 20 points ni Kyrie Irving sa third quarter, hindi mailayo ang Boston Celtics kontra makulit na Memphis Grizzlies.
Umiskor pa ng 8 sa fourth ang star guard, tumapos ng 38 points, 11 assists at 7 rebounds, para ihatid ang Celtics sa 122-116 panalo Biyernes ng gabi.
“He was able to pick up his spots and make plays,” pahayag ni Boston coach Brad Stevens.
Nagdagdag si Marcus Smart ng 20 points, may 18 si Al Horford para sa Celtics na nangibabaw din sa rebounds 52-39.
Sa pampitong sunod na laro ay tinalo ng Boston ang Memphis pero kinailangang kumapit sa dulo. Naiiwan ang Grizzlies 111-108 may 3:13 pa sa laro nang sumagot ang Celtics ng 10-2 run.
Huli na ang ilang 3-pointers na naipasok ng Grizzlies sa dulo.
“They’re physical. They make you work and they are always in the right spots at the right time,” dagdag ni Smart patungkol sa Grizzlies.
Nanguna sa Memphis ang 26 points ni Mike Conley, nagsumite ng 23 si Jaren Jackson Jr. at may 11 rebounds, 12 assists si Marc Gasol.
Abante 96-91 pagkatapos ng three ang Boston, pero ayaw magpaiwan ng Grizzlies. Sa three-point play ni Conley ay dumikit pa 106-104.
Naselyuhan lang ang panalo nang humaginit ang 3 ni Irving 1:22 sa orasan tungo sa 118-110 Celtics lead.
Nag-ambag ng 12 points si Jaylen Brown, 10 kay Terry Rozier sa Boston.