Irving ‘hebigat’ sa OT, Celtics angat sa Wizards

Kinamada ni Kyrie Irving ang huling 12 points ng Boston sa overtime para balikatin ang kulang sa taong Celtics sa 130-125 win kontra Washington Wizards nitong Miyerkoles.

Tumapos ng 38 points si Irving, kabilang ang dalawang 3-pointers sa final 40 seconds ng OT. Isa rito ang pinakawalan niya sa harap ng Celtics bench, pangalawa sa malayong 31 feet.

“Incredible,” banggit ng bantay ni Irving na si Wizards guard John Wall.

“I was just trying to win the game,” pakli ni Irving.

Nagdagdag si Marcus Morris ng 27 points at 9 rebounds sa Boston, may 18 at 5 si Marcus Smart.

Dahil sa tindi ng inilaro ni Irving ay hindi halos naramdaman ng Celtics ang pagliban nina Al Horford, Gordon Hayward at Jaylen Brown.

“We’ve seen Kyrie do that on multiple occasions,” wika ni Smart. “But to see it again in person – eve­ry day we see that is something that is jaw-dropping for us.”

Naglista si Wall ng 34 points at 13 assists, pero kinapos ang kanyang 7 points sa OT laban kay Irving.

Abante ang Wizards 123-122 nang magbaon ng 3 si Irving 38.6 seconds pa. matapos itabla ni Wall sa 125, isa pa mula sa labas ng arc ang ibinato ni Irving at hindi na naalis sa Celtics ang lead dahil sumablay ang 3s nina Beal at Wall.