Irving ‘lumpo’ na sa 2017-18 season

Hindi kagandahang balita sa Boston fans ang bumulaga nitong Biyernes.

Kinumpirma ng team na out na si Kyrie Irving sa kabuuan ng postseason, mula apat hanggang limang buwan na mawawala.

No. 2 sa kasalukuyan ang Celtics sa Eastern Conference, sa likod ng Toronto. Magkabuhol sa third spot ang Cleveland at Philadelphia.

Noong nakaraang buwan ay sumailalim sa left knee surgery si Irving, kinailangang lagyan ng screws ang kanyang tuhod. Unang sinabi ng team na mawawala ang star point guard sa kabuuan ng regular season.

Pero nagkaroon ng bacterial infection sa ino­perang tuhod, at kaila­ngang tastasin muli.

“Following a mid-March procedure to remove a tension wire that had been implanted at the same time as the screws, pathology indicated the presence of a bacterial infection at the site of the hardware,” anang statement na inilabas ng Celtics nitong Huwebes.

Para masiguro na walang impeksiyon sa tuhod, aalisin ang screws.

“The fracture in Irving’s patella has completely healed, and his knee remains structurally sound,” dagdag ng statement. “He is expected to make a full recovery in 4-5 months.”