Magmula noong 2006, sinasabing ngayon lang uli sumadsad  ang halaga ng piso sa P52 level kontra sa dolyar. Kaya naman hindi maiwasan ng ilan nating kababayan­ na mangamba kung hanggang saan ang magiging pagbulusok ng pera ng Pilipinas.

Noong July 31, 2016, nasa P47 level ang hala­ga ng piso laban sa dolyar, umabot ito sa P49 level nang magsara ang 2016. Naglaro naman sa P49 hanggang P51 level ang piso pagsapit ng 2017. At nga­yong nakakadalawang buwan pa lang ang 2018, umakyat na ang piso P52 level at pinapangambahan na umabot ng P53. 

Dahil dito, itinuturing ng ilang ekonomista na ang piso ang worst performing currency sa Asya ngayong taon.

Hindi natin masisisi ang ilan nating kababayan­ na mangamba sa paghina ng piso dahil may epekto rin kasi ito sa mga bilihin at serbisyo kung patuloy na hihina ang pera natin. Tandaan natin na ang mga produktong petrolyo at mga coal o paggatong sa mga power plant eh inaangkat natin kaya natural na dolyar ang pambili sa kanila.

At kapag nagmahal ang bayad sa dolyar, may dahilan na naman ang mga kompanya ng langis at mga power distributor na magtaas ng si­ngil sa gasolina/diesel at kuryente. Baka nakakalimutan niyo rin na may dalawang bagsakan pa ng taas-singil sa buwis sa mga produktong petrolyo at coal sa bagong batas na reporma sa buwis o TRAIN law.

Ngayon pa nga lang na isang bagsak pa lang ng TRAIN law eh nagtaasan na ang presyo ng gasolina, diesel at kuryente, papaano pa kapag lalong humina ang piso? At tandaan natin na nakabinbin ang lahat ng petisyon sa taas-singil sa mga pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. Habang ang singil sa kuryente, eh matik na.

Kapag nagtuloy-tuloy ang paghina ng piso, asahan na rin na makakaapekto ito sa presyo ng mga bilihin. Baka sumunod din ang Maynilad at Manila Water na humirit ng taas-singil sa tubig at ikakatwiran nila ang pagbabayad ng kanilang mga inutang sa dayuhan. Huwag ding kalimutan na mayroon ding napa­kalaking foreign debt na binabayaran ang ating gobyerno na kumakain ng malaking bahagi ng ating taunang badget.

Sa isang banda, kapag mahina ang piso, panalo at tiba-tiba ang mga OFW natin dahil lalaki ang halaga ng perang ipinapadala nila sa kanilang mga kaanak. Bentahe rin ito sa ating export dahil kung mababa ang halaga ng mga produkto na ating iniluluwas, may tiyansang mas mara­ming angkatin ang mga dayuhan.

At kung marami ang ilalabas nating produkto, mas marami ang kaila­ngang produksyon, at mas maraming manggagawa ang kakailanganin.

Kung panalo ang export, talo naman ang mga nag-i-import o mga negosyanteng umaangkat ng hilaw na mater­yales na ginagamit sa kanilang produkto dahil dolyares din s­iyempre ang kanilang ibinaba­yad.

Sabi ng ating mga economic manager, hindi dapat ikabahala ang paghina ng piso dahil sapat daw ang kakayahan ng ating reserba at mga dollar remittance para maging matatag ang pera natin.

Ipinangangalandakan din nila na hindi rin maaapektuhan ang ambisyosong infra projects ng gobyerno.

Malaking bahagi rin daw ng uutangin natin ay mula sa loob at hindi manggagaling sa labas.

Anuman ang mangyari sa halaga ng pera natin, ang mahalaga ay hindi mawalan ng pera na panggastos ang mga tao.

At mangyayari lang ‘yan kung matitiyak ng pamahalaan na hindi na dadami ang mga kababayan natin na walang trabaho. Sabi nga sa survey, basta may career, ‘di bale nang walang love life. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy niyo.”