Isa pang Duterte ang kailangan sa 2022 — Bato

Upang masiguro na tuloy ang kampanya laban sa iligal na droga, isa pang Duterte ang dapat maluklok na presidente sa 2022, ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Sinabi ito ni Dela Rosa dahil pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa 2022 ay baka matigil na ang kampanya sa iligal na droga na siyang salot ng ating lipunan.

“Medyo running out of time kaya kailangan pa natin ng isa pang Duterte para magtuloy tuloy yang trabaho na ‘yan,” wika ng senador sa programa ni Cely Bueno sa DWIZ.

Nilinaw naman ni Dela Rosa na hindi niya itinutulak ang anak ni Pangulong Duterte na tumakbong presidente kundi ang gusto niyang sabihin ay parang katulad ng presidente ang susunod na uupo sa Malacañang.

“Marami naman diyan bigyan lang ng tsansa,” sambit ni Dela Rosa. “Pero hindi natin alam na ganu’n katindi kagaya niya.”

Binanggit pa ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na tuloy-tuloy pa rin ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga at kaya kaunti lang ang nababalitang namatay ay dahil sa kaunti lang ang lumalaban.

“Kaya kulang ang namamatay ngayon dahil kulang ang lumalaban,” ayon sa senador.