Isa pang pagkakataon

Kahit anong init ng panawagan kay Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magbitiw na sa puwesto kasunod ng pumutok na ‘tokhang for ransom’ na kinasasangkutan ng mga tauhan nito ay hindi ito nangyari dahil sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ito sa puwesto.

Dahilan ng Pangulo sa pagpapanatili sa puwesto kay Gen. Bato ay buo pa ang tiwala nito sa pinuno ng PNP kaya walang dahilan para sibakin ito sa puwesto.

Nirerespeto natin ang desisyon ng Punong Ehekutibo dahil kahit anong pag-iingay ang gawin ng mga kritiko ni Gen. Bato at ng publikong nadismaya sa nangyaring tokhang for ransom ng mismong mga tagapagpatupad ng batas ay hindi sila mananaig.

Walang sinuman ang makakabali sa desisyon ng Pangulo na nauunawaan naman nating lahat.

Pero anumang pagtitiwala mayroon ang Pangulo ay hindi dapat maaring ipagmalaki ni Gen. Bato kaya kailangang sumeryoso na ito sa pagganap sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng Pambansang Kapulisan.

Huwag sana niyang palagpasin ang pangalawang pagkakataong ibinigay sa kanya ng mga mambabatas na noong una ay nawalan na rin ng tiwala sa kanyang liderato.

Kaya umaasa tayong ang second chance na ito na ibinigay kay Gen. Bato ay huwag na niyang sayangin. Dapat niyang ipakitang karapat-dapat pa rin siyang mamuno ng PNP.

Sakaling pumalpak pa siyang muli at malagay muli sa ala­nganin ang liderato ng PNP hindi na dapat niya hintayin ang desisyon ng Pangulo para manatili pa sa puwesto.

Bumitiw na agad-agad at huwag nang hintaying muling idepensa ka ng nagluklok sa iyo sa puwesto dahil kahit anong buhat sa’yo ay wala nang bibilib sa iyong pamumuno.