Nadagdagpan pa ang bilang ng nasawing preso sa Cavite, makaraang masawi ang isang inmate sa Dasmariñas City Custodial Center.

Sa ulat ni PO2 Richard Domingo ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-8:30 Sabado ng gabi nang napansin ng mga kapwa preso si Jhonie Bautista, 38, na ayaw kumain hanggang himatayin sa loob ng nasabing kulungan.

Naisugod pa sa ospital si Bautista, ngunit nasawi habang ginagamot.

Nabatid na inaresto at nakulong si Bautista noong Disyembre 23, 2018 sa Brgy. Scalawag ng lungsod, dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Si Bautista ang pang-11 na naitalang namatay na preso mula Enero. Apat sa nasabing bilang ay mula sa nabanggit na custodial center habang ang apat pa ay mula sa Bacoor City Custodial Center, tag-isa naman sa Imus City Jail at Bureau of Jail Management and Penology Custodial Center sa Silang, Cavite.