Ginulat ng University of the Philippines (UP) Lady Maroons at minantsa­han ang three-time defending champion De La Salle University (DLSU) Lady Spikers 21-25, 25-20, 25-21, 20-25, 15-12 Sabado ng gabi sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament sa Big Dome.

Pinantayan ng Lady Maroons ang kanilang biktima sa parehong 3-1 panalo-talo kartada at bumalik sa win column matapos matisod sa kanilang huling asignatura.

Tinapos din ng UP ang three-game head-to-head losing slump laban sa La Salle.

Tinuldukan din ng Lady Maroons ang 14-game winning streak ng Lady Spikers­ sa kanila mula pa noong nagdaang season.
Huling nanalo ang Lady Maroons sa Lady Spikers sa first round pa ng Season 79.

Muli na naman nagsanib sa opensa at depensa sina Tots Carlos, Isa Molde at Marist Layug para yanigin ang Taft based squad at ipatikim dito ang una nitong pagkatalo ngayong season.

Pumalo ng 20 puntos si Molde sa likod ng 17 attacks at tatlong blocks habang sumawsaw naman ng 19 puntos si Carlos at 11 puntos si Layug.

Tabla sa 1-1 ang dalawang tropa pagpasok ng third set at agarang umariba ang Lady Spikers para iposte ang 19-16 na bentahe, pero hindi bumitaw ang Lady Maroons tinarak nito ang 7-0 run para nakawin ang kalamangan, 23-19 sa tulong nina Ayel Estranero at Justin Dorog hanggang sa maselyuhan sa error ni Tin Tiamzon.