Hindi makakapagmaneho ng sasakyan sa loob ng dalawang taon ang dating beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez matapos kanselahin ng Land Transportation Office (LTO) ang kanyang non-professional driver’s license dahil sa iligal na pagpasok sa special lane para sa mga de­legado ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ayon kay LTO Law Enforcement Director Francis Ray Almora, dahil sa breach of security na ginawa ni Lopez ay hindi ito maaaring mag-apply o gumamit ng kanyang lisensiya sa loob ng susunod na dalawang taon at pinagmulta rin ito ng P8,000 na ang P5,000 ay para sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at ang P3,000 sa pagbalewala sa traffic signs at reckless driving.

Ito ang naging desisyon ng LTO kaugnay sa isinampang reklamo ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) laban kay Lopez dahil sa pagpasok nito sa ASEAN lane na ipinaskil at ipinagmalaki pa nito sa social media.

Humingi na ng paumanhin si Lopez sa ginawa nito subalit tinuluyan pa rin siyang inireklamo.

“No one is above the law,” mariing pahayag ng pamunuan ng LTO sa naging desisyon nila laban kay Lopez.

Ipinaalala rin ng LTO sa publiko na ang driver’s license, professional o non-professional man, ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.

Isa itong panibagong dagok sa aktres na kamakailan lamang ay binash sa social media matapos ipagmalaki sa Facebook ang pagdaan niya sa ASEAN lane.