MGA bata pa lang sila ay magkaibigan na sina­ John Prats at Angelica Panganiban, ­pero sa Banana Sundae (nagsimula bilang ­Banana Split) naging mag-best friends ang dalawa.

Mas naging close sila ni Angelica dahil pareho sila ng utak, sabi ni John.

Hindi ba pinagseselosan ng misis ­niyang si Isabel Oli ang sobrang closeness nila ni Angelica?

“Sobrang love na love ni Liv ­(Olivia Daytia ang real name ni Isabel) si Angelica.

“Actually, parang si Liv lang yata ‘yung hindi nagselos kay Angelica kaya rin siguro siya ‘yung pinakasalan ko.

“Dahil para sa akin, kung may dapat pagselosan sa amin ni Angelica, eh ‘di dapat, dati pa tinray ko ­siyang ligawan o ano?

“Pero kasi, talagang ‘yung friendship namin, sobrang sagrado at ang tratuhan namin eh magkapatid.

“Kaya ngayon si Liv din, mahal na mahal­ siya at pati si Angelica, mahal na mahal din ang asawa ko,” sey ni John sa presscon ng ­Banana Sund8, ang 8th anniversary celebration ng Sunday comedy show ng ABS-CBN.

Kailan na-realize ni John na hanggang friends lang sila ni Angelica at hindi niya ito puwedeng ligawan?

“Simula nu’ng ano naman, nu’ng maging magkaibigan kami, never naman kaming nagkaroon ng romantic ano, eh…

“Kadiri, ba’t ganu’n? Ha! Ha! Ha! Parang awkward na pinag-uusapan.

“Hindi naman kadiri na… maganda si Angge, pero talagang very magkapatid lang kami.

“Ngayon lang ako sumagot nang ganito, ah? Ha! Ha! Ha!” tawa ng Kapamilya actor na Pratty kung tawagin ng mga ­kasamahan niya.

Waley si Angelica sa nasabing presscon dahil may sakit ito, sabi ni John.

Okey lang kay Pratty na mag-guest sa Banana Sundae ang mag-asawang Melai Cantiveros at Jason Francisco kahit nagkaroon ng engkuwentro noon sina John at si Jason, na bigla na lang sinapak ni Jason si John.

“Matagal na, matagal ko na siyang (Jason) napatawad. Pero bihira naman ­kaming nagkikita.

“Nang makasalubong ko siya sa hallway, nagbatian naman kami… pero pasuntok! Hindi, joke lang!

“Nagbatian naman kami. ‘Kamusta­ ka?’ PAK!!! Hindi, nagbatian kami na kinamusta ko pa ‘yung anak niya, kinamusta ­niya ‘yung anak ko.

“Actually, may anak na ako nu’ng nagbatian kami. Ano naman ‘yun, eh. Sa tingin ko, sa personality ko, madali naman akong magpatawad lalo na kapag hindi mo maintindihan kung bakit nangyari ang mga bagay-bagay.

“Ako na lang ang iintindi,” pakli ng good vibes na si John.

Sa Thursday next week (November 17) ang taping ng 8th anniversary show ng Banana Sundae sa Kia Theatre sa Araneta Center.