DUMATING na noong Lunes si Anne Curtis sa Rome, Italy para sa kasal ng matalik niyang kaibigan na si Isabelle Daza.

Sa Sabado na kasi ang kasal ni Isabelle sa fiancé na si Adrien Semblat, kaya sunud-sunod na ang dating sa Italy ng kanyang mga kaibigan at kapamilya.

Ang manager ni Isabelle na si Leo Domin­guez, noong Biyernes pa dumating sa Italy at naglilibut-libot muna.

Ayon kay Leo, one hour away from Rome ang location ng kasal ni Isabelle.

Sa ngayon, may pre-wedding events nang nagaganap doon dahil pati high school best friends ni Isabelle ay nandoon na rin.

Bukas aalis ng ‘Pinas si Raymond Gutierrez para sa kasal ni Isabelle. Very close si Raymond sa actress/TV host pati sa pamilya nito.

Madalas ikuwento sa amin noon ni Raymond na isinasama siya ni Isabelle sa family dinner ng mga ito tuwing Linggo.

Ang ina ni Isabelle na si Gloria Diaz ang punong-abala sa mga fami­ly dinner na ‘yon, kaya na­ging malapit din si Raymond sa ating Miss Universe 1969.

May mga pagkakataon pa na nagkakamay lang sila sa family dinner na ‘yon dahil Filipino dishes ang inihahanda ni Gloria.

Ayon sa manager ni Isa­belle, mag-aartista pa rin si Isabelle kahit na mag-aasawa na ito.
Marami pang showbiz commitments ang anak ni Gloria.

Kapareho si Isabelle ng kaibigang si Solenn Heussaff na kahit nagpakasal na sa France noong Mayo ay hindi tumigil sa kanyang showbiz commitments.

Sa katunayan ay mag­lalabas si Solenn ng new album sa buwan na ito!

***

Lovi Poe
Lovi Poe

Kahit nasa Italy si Leo, updated siya sa mga nangyayari sa iba pa niyang mga alaga sa ‘Pinas.

Si Leo ang nagkuwento sa amin na sobrang happy si Lovi Poe sa magandang feedback sa bagong teleserye nila ni Tom Rodriguez, ang Someone To Watch Over Me, na nag-pilot telecast noong Lunes sa GMA 7.

Halos maiyak si Lovi sa magagandang sina­sabi ng mga nakapanood ng Someone To Watch Over Me.

For sure, sinuportahan din ng mga taga-Vigan, Ilocos Sur ang Someone To Watch Over Me dahil ang karamihan sa location nila sa teleseryeng ‘yon ay kinunan sa nasabing lugar.

Sobrang nai-promote ng Someone To Watch Over Me ang lugar na ‘yon na kasama sa New 7 Wonders Cities of the World.

Syanga pala, ang isa pa sa magandang feedback sa Someone To Watch Over Me ay ang sinasabi ng mga nakapanood ng show na bagay sina Lovi at Tom kahit alam ng lahat na “taken” na ang binata dahil may Carla Abellana na siya.

Marami ang kinilig sa mga eksena nila.

***

Paborito namin ang The Walking Dead, kaya excited na kami sa 7th season nila na magpa-pilot telecast ng Oktubre 23 sa Amerika sa AMC cable channel.

Dito sa ‘Pinas, may tinatawag na “parallel play” ang Fox cable channel kung saan ay mapapanood daw nang halos sabay ang The Walking Dead nang umaga ng Lunes (Oktubre 24).

Dahil sa The Walking Dead, anything about zombies, gustung-gusto na namin.
At dahil sa napakagandang reviews sa Train To Busan, excited kaming panoorin ‘yon.

Tumatabo nang malaki sa mga sinehan ang Train To Busan dahil sa napakagandang reviews sa South Korean movie na ito na tungkol sa zombies at sa buhay ng isang mag-ama.

Pangarap ng ilang Fili­pino filmmakers na maka­gawa rin ng isang horror movie na katulad ng Train To Busan na hindi lang basta tayo matatakot kundi maaantig din ang ating mga puso!