Muli na namang nasaksihan ng inyong lingkod ang walang puknat na paghahakot ng buhangin at black sand sa ilang bahagi ng baybayin sa Botolan sa Zambales.
Kung dati ay nagawa pong balewalain ng inyong lingkod nang minsang personal na masaksihan ang pagdaong ng malalaking barko sa isang bahagi ng karagatan sa Botolan, Zambales sa pagkakataong ito ay hindi na natin kayang magpatay-malisya as in magwalang-bahala.
Sa pagbabakasyon ng inyong lingkod nitong Mayo 1, wala pa tayong isang araw sa nasabing bayan ay atin nang naispatan ang hindi magandang tanawin sa baybayin ng Botolan partikular sa bahagi ng Bucao, Porac at Binoclutan.
Ito ay dahil sa kaliwa’t kanang pagdating ng mga barkong naghahakot ng buhangin at black sand sa malawak na baybayin ng Botolan.
Hindi lamang dalawang barko ang ating naispatang gumagawa ng ilegal na aktibidad sa nasabing baybayin kundi marami pong naglalakihang barko ang salitang dumadating.
Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa ilang residente sa paligid ng baybayin ng dagat, napag-alaman nating ang mga barkong ito na pinamamahalaan ng ilang Chinese national ay kumukuha ng black sand at buhangin sa nasabing karagatan para ibiyahe patungong Singapore.
Opo sa Singapore para roon ilako at magamit sa kung anumang kapakinabangan ng nasabing bansa. Nagsisilbi namang mga tauhan ng Chinese nationals ay mula umano sa Maynila.
Ang hindi lang maunawaan ng inyong lingkod ay kung bakit hinahayaan ang ganitong operasyon gayong batid naman ng mga opisyal ng lalawigan na magdudulot ito ng malaking kapahamakan sa mga mamamayan ng Zambales na makailang beses nang nilubog ng baha.
Kaya sana ay makita ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyong ito sa nasabing baybayin para matigil na.
Nakakalungkot nga lamang dahil wala na si Sec. Gina Lopez sa DENR na talagang may pagmamahal sa kalikasan at alam nating hindi magpapabaya sa ganitong klaseng pag-abuso sa kalikasan.
Kaya umaasa na lamang tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte na makahanap ng katulad ni Sec. Lopez na handang kalabanin ang lahat para maproteksyunan ang ating kalikasan sa kamay ng mga mapagsamantalang mga negosyante.
Dahil kung pababayaan ang pamemeste sa baybayin ng Zambales ay tiyak na matinding panganib ang haharapin ng Zambales.
Kaya sana maliban sa pagtutok sa problema sa illegal mining ay idamay ng kahit sinong maitalaga ng Pangulo sa puwestong ito ang isyung may kaugnayan sa black sand mining at paghahakot ng mga buhangin dahil mas malawak ang pinsalang idudulot nito kapag nagpatuloy ang operasyon, baka bukas makalawa ay maglahong parang bula ang napakagandang potensyal ng lalawigan sa turismo sapagkat hindi na sila dadayuhin dahil sa nakakatakot na dagat na palalim na nang palalim bunga ng paghahakot ng black sand at buhangin.
Marami talaga ang nagiging “bulag” pag pera na ang pinag-uusapan