Mukhang kabado yata si Energy Secretary Alfonso G. Cusi sa isinagawang ocular inspection ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy, sa mothballed Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong, Bataan.

Kahit kasi ikinober ng mga reporter na nakadestino sa Senado ang ocular inspection ni Gatchalian, kasama sina Sens. JV Ejercito at Nancy Binay, isiniksik ni Secretary Cusi ang mga reporters na nakadestino naman sa Department of Energy (DOE). Natakot daw marahil itong si Cusi na mabugbog ni Gatchalian ang dream pro­ject ng kalihim hinggil sa pagbuhay ng BNPP.

Mukha yatang nabulungan si Cusi ng beteranong PR man na itago natin sa pangalang ‘Willy’ na itinatanggi ng beteranong Senate reporter na si Butch Fernandez na kamag-anak niya.

Aba’y bukod kasi sa pagbitbit ng mga katropang media, binalak pang magyaya ng mga katropang kongresista para nga naman may taga-balanse sa mga banat ng senador. Hindi naman ito miting ng Joint Congressional Power Commission (Powercom) para umepal ang mga kongresista kundi inisyatiba ito ng Senate committee on energy.

Hayagan na kasing itinutulak ni Cusi ang pagbuhay ng 620 megawatt BNPP na simula nang matapos ang konstruksyon noong 1984 ay hindi pa nakakagawa kahit isang megawatt ng kuryente matapos itong itengga ng gobyerno dahil sa isyung pangkaligtasan. Si Gatcha­lian naman, kontra sa paggamit ng BNPP dahil sa masyado na daw itong luma at hindi safe gamitin.

Ang malaking tanong pa ni Gatchalian, bakit pa bubuhusan ng US$1 bil­yon ang BNPP para sa refurbishment gayung mas siguradong pakikinabangan ang pagtatayo ng ibang generation project na makakatugon sa power requirement ng bansa sa susunod na sampung taon

Sa mga hindi maka-relate, isipin na lang natin ang pag-restore ng isang lumang kotse na matagal nang nakatengga sa garahe. Gagawan mo ito ng paraan para mapatakbo ang lumang disenyo at mag-reorder o fabricate ng mga bagong parts. Suma tutal, gumastos ka ng malaking halaga para mapatakbo ang lumang kotse gayung puwede ka namang bumili ng bagong kotse na mas safe gamitin kaysa sa luma.

Parang gusto ko na tuloy maniwala sa sabi-sabi na may kikita sa revival ng BNPP. Kung sino ang mga ito ay isang bilyong dolyar na katanungan ito.

***

Marami tayong mga kaibigan na nandiri nang mari­nig na tapunan ng bangkay ang dagat ng mala-paraisong Island Garden City of Samal sa Davao del Norte na sangkaterba ang mga resort.

Kung paniniwalaan ang testimonya sa Senado ng testigong si Edgar Matobato, dating miyembro umano ng Davao Death Squad (DDS), binibiyak pa nila ang katawan ng bangkay saka tatalian ng hollow block upang tuluyang lumubog sa ilalim ng dagat.

Natanong pa ni Sen. Leila de Lima ang testigo kung bakit binibiyak ang mga bangkay ng mga biktima ng summary killings sa Davao City, sagot ng testigo ay “para diretso makain ng isda”. Halos masuka nga ang iba nating kaibigan na nagtampisaw na sa dagat ng Samal Island, aba’y nakainom pa yata sila ng tubig-dagat sa pagsisid dito.

Ang masaklap pa dito, kumain pa sila ng mga bagong huling isda sa paniniwalang masarap kainin ang fresh na isda. Hindi lang naman ang mga isda ang kumakain ng bangkay ng tao kundi pati mga hipong suwahe. Kung hihina ang bentahan ng isda sa Davao City at Samal Island, hindi kaya gawin na lang itong bilad at ibiyahe sa Maynila? Just asking!

***

Mukhang strike 2 na si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa kanyang amo na si Pangulong Rodrigo Duterte matapos makita ang epekto ng pakikipag-koalisyon nito sa Liberal Party (LP) at mabigyan ng chairmanship ng justice committee si Sen. de Lima.

Kaya naman para maka­bawi, hinarang ng SP ang pagkakaloob ng protective custody kay Matobato, kahit na ayon kay De Lima ay wala itong karapatan at kapangyarihan para baligtarin ang desisyon ng komite.

Hindi na ako magugulat na magkaroon ng revamp sa liderato ng Senado sa mga darating na araw. Abangan ang susunod na kabanata!

One Response