Isang botohan lang, Sereno KO sa Kamara

maria-lourdes-sereno

Maagap na tinugon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na paspasan ang proseso ng impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Tiniyak ng lider ng Kamara na agarang aarangkada ang proseso ng impeachment.

“It will be done once we resume sessions,” ani Alvarez sa mensaheng ipinadala sa media.

Inaasahang isasalang sa deliberasyon at pag-apruba ng plenaryo ang articles of impeachment laban kay Sereno sa pagbabalik ng sesyon.

Kasalukuyang naka-break ang Kamara at magbabalik ang sesyon sa Mayo 15 o isang araw makalipas ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Sa hiwalay na pa­nayam naman kay House Committee on Justice chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali kahapon, tiniyak nito na handang-handa na sila sa pag-impeach kay Sereno.

“Naghihintay na lang ito na pagbotohan sa plenaryo. Isasalang lang ito baka May 16 mapagbotohan na ito. Wala namang prohibition na maghintay kami (sa quo warranto case)…Pinamamadali na sa amin… wala namang problema isang botohan lang ‘yan. Hindi naman kami (pinakikialaman) ni Presidente hindi namin alam kung saan nanggagaling ang kanilang mga kuro-kuro. ‘Pag mapagbotohan dahil handa na kami sa articles of impeachment ita-transmit na sa Senado magsisimula na ang impeachment trial…Ready po kami anytime,” paghahayag ni Umali sa panayam ng himpilang DZMM.

Palaban naman si Sereno kahapon nang magtalumpati sa Araw ng Kagitingan na inorganisa ng Movement Against Tyranny sa Quezon City.

“Please explain why it was Solicitor Ge­neral Calida who filed the quo warranto case. Surely you (President Duterte) must explain to the people why this unconstitutional act,” diin ng chief justice.

Kinuwestiyon din ni Sereno ang ilang beses na pakikipagkita umano ni Atty. Larry Gadon, ang taong naghain ng impeachment complaint sa Kamara, kay Pangulong Duterte.