Sa oras na lumaban muli si Manny Pacquiao, mapapako ang kanyang pangako.
Hindi pa man ay tila mangyayari na.
Ayon kay Bob Arum, promoter ni Pacquiao, naikasa na ang laban sa Nob. 6 (PHL Time) sa Las Vegas.
Galit ang marami, laluna na ang napaniwala ni Pacquiao sa pangako niyang tututukan niya ang trabahong pang-Senado kapag siya’y nanalo.
Hindi niya magagawa iyon pag may laban siya sa Nobyembre dahil treyning siya ng 2 buwan.
Kung Senado ang tatanungin, agaran nilang papayagan si Sen. Pacquiao. Malaya tayong republika. Walang paninikil sa kalayaan ng bawat mamamayan.
Kung sa Kongreso’y laging absent si Pacquiao noon, bakit hindi puwede ito sa Senado?
Tutal, sa bawat laban naman niya, dala niya ang karangalan ng bansa.
Puwede ring idahilan na kumpara sa 3 taon lang sa Kongreso, 6 na taon naman ang termino sa Senado. Mahabang panahon iyan para siya makapaghain ng sandamakmak na batas.
At siyempre, ano nga ba ang dahilan sakaling tuloy ang laban ni Pacquiao sa Nob. 6?
Madadagdagan ang kanyang pera sa bangko.
Masama ba iyon?
Ugok lamang ang aayaw sa pera.
Isa pa, maraming pinaliligaya si Pacquiao – mula sa mga bataan niya (sangkaterba) hanggang sa mga mahal niya sa buhay.
Kayat ang siya’y tuluyang magretayr, gutom ang aabutin ng marami.
Kayat isang laban na lang ay hindi naman siguro kalabisan?