Maraming puwedeng hilingin na biyaya para sa papasok na taon. Pero sa kasalukuyang panahon, tila pinakaangkop na hilingin ang katiwasayan para sa lahat.
Una, hangad natin ang katiwasayan ng mundo sa kabuuan. Walang giyera. Walang alitan at kaguluhan at sana ay walang malawakang pinsala ng kalamidad saanmang dako ng daigdig. Lalo pa nga’t ang Filipino ay nakakalat sa halos apat na sulok ng mundo.
Para sa bansa, mas matiwasay sanang pamumuno ng gobyerno sa anyo ng matatag at mahusay na pamamahala sa lahat ng aspeto. Matapos na sana ang patayan, ang murahan at sana ay matugunan ang malalaking problema ng sambayanan. Una na rito ang sadsad na ekonomiya, kulang na trabaho, kumukonting investors at negosyo at sumisirit na tax.
Sa bawat pamilyang Pinoy, matiwasay na tahanan at kung maaari ay muling pagbubuklod at pagsasama-sama ng mga magulang at mga anak na pinaghihiwalay ng kahirapan.
Sa bawat isa, matiwasay na kaisipan upang manumbalik ang kagandahang-asal at mabuting pakikipagkapwa-tao. Matapos na sana ang era o panahon ng negatibismo at pagkamuhi na lumalaganap sa social media, ang salamin ng kalagayang panlipunan.
Dahil kakambal ng katiwasayan ang busog na sikmura at positibong pagtingin sa buhay, nawa’y gabayan ng Poong Lumikha ang papasok na taon upang mapuspos ito ng mga biyayang makakasapat sa pangangailangan ng tao.
Isang bagong buhay sa darating na Bagong Taon!