Isang pamilya sa likod ng Batasan Hills masaker

tugis-edison-reyes

Subalit sadyang mapaglaro ang kapalaran dahil dumating sa buhay ng kanilang pamilya, pati na sa pamilya ng apat pang kapitbahay ni Liberato ang isang trahedyang kagagawan mismo ng kanilang kapitbahay, kabilang na ang limang miyembro ng isang pamilya.

Masayang nag-iinuman sa tapat ng kanilang bahay sa Kalayaan B, Barangay Batasan Hills sina Liberato Paez, mga kaibigang sina Rogelio Diomampo, Germinio Manansala, Rogelio Agustin, Armando Garcia at Zaldy Ballesteros noong gabi ng Nobyembre 28, 2011 nang bigla na lamang dumating ang mga salarin at sunod-sunod na nagpaputok ng baril sa grupo ng mga biktima.

Dalawang anak na babae ni Liberato ang nagkaroon ng lakas ng loob na sumilip sa kanilang bintana kaya’t nasaksihan nila ang nangya­ring pag-masaker sa mga biktima na kagagawan ng pitong kalalakihan na karamihan ay naninirahan din sa kanilang lugar, lima rito ay miyembro ng isang pamilya.

Nang tumakas ang mga salarin, mabilis na isinugod ng kani-kanilang mga kaanak at kaibigan ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan subalit karamihan sa kanila ay hindi na umabot pa ng buhay, kasama na rito si Liberato, sanhi ng matinding tama ng bala ng hindi kaagad nabatid na uri ng armas.

Inilagay naman sa kritikal na kondisyon ng mga manggagamot sina Armando Garcia at Zaldy Ballesteros subalit kalaunan ay binawian din ng buhay ang una habang isinasailalim sa maselang operasyon.

Masuwerte namang naisalba ng mga doktor sa kamatayan si Ballesteros bagama’t nanatili siya ng matagal sa pagamutan habang pinapagaling ang mga sugat na tinamo sanhi ng pamamaril.
Nagsagawa kaagad ng masusing imbestigasyon ang homicide division ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa pangunguna ni Senior Insp. Elmer Monsalve, kasama ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Mahigit sa 30 basyo ng bala ng iba’t ibang kalibre ng baril ang nakalap ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang.

Kumalap sila ng mga testigo at mga ebidensiya na tutukoy sa mga salarin bago kinuha ang kani-kanilang mga salaysay at isa-isang nilagdaan at sinumpaan sa harap ng nakatataas na opisyal ng pulisya.

Naging matibay ang salaysay ng dalawa sa mga anak ni Paez na nakasaksi sa nangyaring masaker at nakakilala sa mga salarin na lumusob at nagpaulan ng bala sa kanilang ama at iba pang mga biktima na noon ay masaya pang nag-iinuman. (sundan bukas)