Isara ang Ayala Tunnel para lumiwanag

Lahat tayo, mapa-motorista, pasahero, tsuper at kahit na mga naglalakad lamang ay naghahangad ng ligtas na paglalakbay na dapat din ay ipinagkakaloob sa atin ng gobyerno.

Ang ligtas na paglalakbay ay taon-taon din na inihihingi ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ng badyet sa Kongreso upang ito ay ma­gampanan.

Taon-taon din, nagi­ging galante ang Kongreso at maging ang Malacañang sa mga pondong hinihingi ng mga ahensiyang ito na kinabibilangan ng DPWH at sa Metro Manila ay MMDA.

Pero sa aking pagkakaalala, mula nang mapundi ang mga ilaw na kasabay na ikinabit sa Ayala Tunnel noong ito ay tinatapos pa lamang, hindi na napa­litan ang mga ito.

Kaya sa pagdaan ng mga pana­hon, padilim nang padilim ang ­Ayala Tunnel at sa kasalukuyang estado nito, ito ay balot na balot na ng kadiliman kahit sa araw at lalo na sa gabi.

Hindi na mabilang sa kamay ang mga aksidente at may mga krimen na rin na naganap sa lugar na ito pero tila walang plano ang mga kinauukulan na muling buhayin ang lighting system ng Ayala Tunnel.

Noong isang araw, sa interbyu ni Deo Macalma kay MMDA Spokesperson Celine Pialago kung kailan paliliwanagin ang Ayala Tunnel ay mga katagang ihahanap pa ng badyet ang nakuhang sagot ng announcer.

Itinanong na rin ito dati, kung tama ang aking pagkakaalala, ni Mr. Macalma sa DPWH pero ipinasa lamang ng kanyang nakausap sa iba ang responsibilidad.

Kung ganito nang ganito ang sagot na makukuha ng publiko sa mga tanong tungkol sa problemang iyan, hindi kaya dapat na isara na muna sa publiko ang ­Ayala Tunnel sa gabi?

Isara na lamang muna para mapilitan ang may responsibilidad na ayusin, palitan ang mga pundidong ilaw at muli itong lumiwanag.

Panawagan ng mga dumadaan sa lugar na iyan, kahit sana paliwanagin na lamang sa gabi, kahit huwag nang hilamusan, ‘di-bale nang dugyot basta maliwanag sa gabi.

Ayos ba?