Isetann kinandado

Ikinandado kahapon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Isetann Mall na nasa kahabaan ng Recto Avenue, Quiapo,Maynila.

Pasado alas-dos nang hapon nang isara ni Moreno ang Mall kasama si Levy Facundo, officer in charge ng Manila Bureau of Permits, base sa mga paglabag na ginawa ng operator ng mall na kinilalang Trans-Orient Management Services, Inc. Tri-Union Properties, Inc. at Cineworld Cinerama, Inc.

Nabatid kay Moreno na isasara lamang ang mall habang hindi pa nakakatupad sa mga regulasyon pero hindi naman iri-revoke ang kanilang permit.

Una nang ipinaalam ni Facundo kay Moreno na may mga nakitang paglabag ang operators ng mall sa deklarasyonsa bilang ng mga empleyado at sa binabayarang pro­perty tax.

Gayundin, ang kawalan ng business permit ng ibang lessor.

Sa kaso umano ng Tri-Union Properties, Inc. nag-o-operate umano ng may mga lessor pero walang business permit, sa kaso naman ng Trans-Orient Management Services,Inc, nag-o-ope­rate ito ng Property Management Service Provider ng walang business permit at ang Cineworld Cinerama, Inc. ay isa lamang ang business permit sa apat nilang sinehan.

Sa ilalim ng kanilang valid business permit sila ay nagdeklara lamang ng 1,000 square meter at 10 personnel at ang kanilang business permit ay balido lamang hanggang Disyembre 31, 2019.

Magugunita na sinalakay ng Special Mayor’s Reaction Team ang Isetann Mall dahil sa amusement games nito na sugal at sa mga ibi­nebentang secondhand cellphone at mga galing sa magnanakaw (GSM). (Juliet de Loza-Cudia)