Winasiwas ng Blackwater ang rally ng inaalat na GlobalPort mula sa third period 21-point deficit tungo sa paglangoy ng 118-107 victory at kumpletuhin ang quarterfinals cast ng PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo.
Ikinampay ng Elite ang 5-5 win-loss record sa pagkapit sa eighth spot para umabante na playoffs, pinag-impake ang magkabuhol sa 3-7 na Batang Pier at Alaska.
Pinagmartsa rin ng Blackwater sa Last Eight ang Rain or Shine (5-4) at Star (5-4), na binusalan ng TNT KaTropa 104-99, sa second game.
Salo ang Texters at NLEX sa third sa 7-3 at napalakas pang lalo ang tsansa sa top four finish pagkaraan ng 11-game elims para sa win-once bonus sa playoffs.
Thrown out sa game ang kamador ng GlobalPort na si Terrence Romeo sa 5:01 ng second stanza tapos siyang tawagan ng double dribble (turnover) saka binato ng bola ang aniya’y bumalya sa kanyang si Henry Walker.
Sa kanyang debut game sa Elite, sinalya ni Allein Maliksi ang mga defenders niya tungo sa pagsalansan ng team-best 22 points, five rebounds, assist at steal sa halos 33-minute job.
Kinapos ng isang feed si Walker para kumpletuhin ang double-double sa 19 markers at 13 boards.
“Sa Star alam ko yung role ko dun eh, dito kailangan ko mas maging aggressive kasi kailangan ko ring mag-lead by example for the other guys,” komento ni Maliksi.
“I’m trying my best to speak out sa mga little things na kailangan namin gawin sa court.
‘Yung mga natutunan ko sa mga dati kong napuntahan na team, syempre as a veteran na rin, kailangan ko dalhin dito sa team na maraming rookies and youngsters,” dagdag ni Maliksi.