Kinumpleto ng Adamson ang Final Four cast ng Season LXXIX UAAP men’s basketball tournament matapos itaob ang University of Sto. Tomas, 76-61, kahapon sa Mall of Asia Arena.

Sumakay ang Soaring Falcons kina Jerrick Ahanmisi at Robbie Manalang na nagtala ng tig-16 puntos para ilista ang 7-5 karta.

Huling sampa ng ­Adamson sa semifinals ay noon pang 2011 sa Season 74.

Sa panalo ng Falcons, napagsarhan ang NU at UP sa F4.

May tig 5-8 cards ang Bulldogs at Fighting ­Maroons, kahit maipanalo ang kanilang huling laban ay hindi na sila aabot sa kasalukuyang No. 4 na Falcons.

Nagwagi naman sa ­unang laro ang Ateneo kontra defending champion­ Far Eastern University, 74-59, kaya nagkaroon ng two-way tie sa second place.

Hawak ng Blue Eagles at Tamaraws ang parehong 8-4 records kaya may tsansa rin ang Falcons na makakuha ng twice-to-beat advantage sa semis.

Bibitbitin ng top two teams ang insentibo pagkatapos ng 14-game ­double-round eliminations.

Kapit ng De La Salle (12-1) ang isa dahil sementado na sila sa tuktok.

Tumapos si Jamil Sheriff ng 13 points, six rebounds at two assists para sa Growling Tigers nabaon sa 3-10 card.