Hindi pa naililibing ay sumunod na sa hukay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin sa mismong burol ng kapatid nito sa Malate, Maynila, kahapon.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Victor Isip, 43-anyos, may live-in partner, walang trabaho, residente ng 1284 Tuazon St., corner Arellano Ave., Malate, Manila sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, ginagamot din sa nasabing ospital si Basilisa Tejedor, 61-anyos, ng 1243 Arellano Ave., Malate, Maynila na tinamaan ng ligaw na bala.
Kinilala naman ang suspek na isang alyas ‘Ron-Ron’, nakasuot ng bull cap at jacket na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ni Det. Jorlan Taluban, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-10:00 ng umaga nang naganap ang pamamaril sa panulukan ng Tuazon St. at Arellano Ave., Malate, Maynila.
Base sa pahayag ng ilang saksi, dumating ang suspek sa burol ng kapatid ng biktima at nagkunwaring makikipaglamay at nang makita ang pakay ay nilapitan at pinagbabaril.
Aksidente namang tinamaan ng ligaw na bala si Tejedor na katabi lamang ng biktima.