Isip-isip ‘pag may time!

May nakasabay akong nagmomotor nu’ng isang araw. Nagtataka ako dahil bigla siyang bumagal. Akala ko kung ano na ang dahilan. ‘Yun pala, kanang kamay lang ang nakahawak sa manibela ng motor niya. Sa kaliwang kamay ay hawak ng nagmomotor ang kanyang cellphone at abalang nagte-text.

Binusinahan ko ang nagmomotor. Dun lamang siguro niya na-realize na may sumusunod sa kanya. Kaya tumabi ito at napansin ko na tumigil muna bago nagpatuloy na mag-text.

Ginagawa n’yo rin ba ito? Nagte-text din ba kayo habang nagmomotorsiklo? Nagte-text din ba kayo habang nagmamaneho?

Kung guilty kayo dito, puwes, magbagong buhay na kayo. Dahil sigurado ako na isang araw, sesem­plang kayo o mabubunggo ng ibang sasakyan­. At sigurado ko na kung hindi sa sementeryo, sa ospital kayo pupulutin. Napakadelikado na ng pagmomotor. Huwag na natin itong gawing mas delikado pa.

Isip-isip din ‘pag may time!

* * * *

Isa pa sa nagpapainit ng ulo ko ay kapag nakakarinig ako ng mga nagmomotor nang nakainom. Meron akong pinsan na nadisgrasya dahil dito. Sinundo lang siya ng kanyang kumpare na nakainom na para lumabas at mag-good time. Sa daan ay naaksidente sila.

Namatay ang pinsan ko. Ang sumundo sa kanya ay nabuhay pero baldado na ngayon.

Huwag magmotor nang nakainom. Kung iinom, iwanan na ang susi ng motorsiklo at magpalipas na ng gabi sa lugar kung saan kayo nag-inuman. ‘Di bale nang umagahin, kesa naman madisgrasya kayo sa daan.

Isip-isip din pag may time!

* * * *

Email: junep.ocampo@gmail.com.