Timbog ang isang miyembro ng lokal na ISIS na tumakas sa Marawi City matapos itong madakip kasama ng mga evacuees sa isang refugee center sa bayan ng Saguiaran sa Lanao del Sur.

Nakilala ang suspek na si Lala Arafat matapos itong inguso ng isa pang ISIS militant na nadakip ng mga awtoridad. Bitbit pa ng 39-anyos na si Arafat ang halos isang dosenang identification cards na may iba’t ibang pangalan at isang cell phone ng ito ay arestuhin ng Criminal Investigation and Detection Group.

Tikom naman ang bibig ni Arafat, ngunit patuloy ang interogasyon sa kanya ng pulisya at hindi pa mabatid kung paanong nakatakas si Arafat mula sa Marawi sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng mga sundalo sa lugar.