Ipinakita nila Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna ang kanilang suporta sa mga bar examinee ng dalawang unibersidad na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa huling linggo ng Bar Examinations.
Alas-4:30 nang umaga nang magkasamang pumunta sa UST si Moreno at Lacuna para magbigay ng suporta sa mga bar examinee ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Unibersidad de Manila (UDM).
Sinabi ni Moreno na siya ay naging law student din at ang pagpapakita sa ‘bar ops’ ang tangi niyang magagawa para maipakita ang suporta ng gobyerno sa kanila.
“We wish our bar examinees the best of luck,” ayon kay Moreno kasabay ng papuri sa mga estudyante dahil natapos ang apat na linggong Bar Examinations na mapayapa at maayos.
Ang Bar Operations ay isinasagawa ng mga law student matapos ang Bar Examinations kung saan binibigyan ng suporta ng kani-kanilang mga kaibigan, kaklase, kamag-anak at mismong ng kanilang paaralan.
Sa buong panahon ng Bar Examinations, masusing mino-monitor ni Moreno ang sitwasyon para matiyak ang seguridad ng Bar examinee kung saan nagpapatupad ng liquor ban sa bisinidad ng UST. (Juliet de Loza-Cudia)