Magiging mahigpit si incoming Mayor Isko Moreno sa mga pampublikong ospital sa Maynila na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod.
Sa lingguhang Kapihan sa Manila Bay media forum nitong Miyerkoles, sinabi ni Moreno na tapos na ang maliligayang araw ng mga spoiled na opisyal ng mga pampublikong ospital sa nasabing lungsod na aniya’y walang pakialam sa kapakanan ng mga pasyente.
Aniya, hindi na mangyayari sa ilalim ng kanyang administrasyon na sabay-sabay na mawawala ang mga ito para tumutok sa pa-ngangailangan ng mga pasyente.
“Nakakadismaya yung pagpunta ko sa isang ospital ay wala doon ang director. Nang hanapin ko ang assistant director ay wala rin pala at pareho silang naka-leave. Mantakin ninyo, sino ang magpapasya kapag may nangyaring emergency sa ospital? Kaya nga sa ilalim ng aking liderato, hindi mangyayari na walang tatao sa mga ospital,” ani Moreno.
Hindi naman pinangalanan ni Moreno ang mga opisyal at kung anong ospital ito na sorpresa niyang binisita.
“Basta mayroon itong more than 100 bed-capacity,” ani Moreno.
Dagdag pa ni Moreno na bukod sa mga presinto ng pulisya, kabilang ang mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga sorpresang bibisitahin niya.
“Hindi ko sasabihin kung kailan at anong oras ako lulutang sa mga ospital at presinto ng pulisya. Kaya nga sorpresa eh. Magugulat na lang kayo at mabubulaga. Dito ko malalaman kung nagtatrabaho ba kayo talaga para sa mga taga-Maynila,” ani Moreno. (Mia Billones)