Isko mamimigay ng laptop, tablet may WiFi pa

Bibili ng P994 milyong halaga ng mga laptop at tablet ang pamahalaang lokal ng Maynila para ipamigay sa mga public school student bilang paghahanda sa online class ngayong nahaharap pa sa COVID-19 pandemic ang bansa.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, kanilang ipagagamit ang 110,000 na tablet sa mga Kinder hanggang Grade 12 public school student para sa online learning system.

Ang 11,000 naman na laptop na bibilhin ng Manila local government ay ipagkakaloob din sa kanilang mga guro.

“Ayokong pumasok `yung bata na walang kapasidad ang eskwelahan na magturo. We are the capital of the nation,” ayon kay Moreno.

Bukod sa mga gadget, lalagyan din ng 12GB data allocation ang mga tablet para hindi na gumastos ang mga magulang sa internet, gayundin ang pocket WiFi na kasama sa mga ibibigay na laptop.

“Bibili tayo ng 110,000 na tablet para sa mga Batang Maynila. Walang tosgas na ang mga magulang,” lahad pa ng alkalde. “I want to focus on the real problem na kailangan nila ng bandwidth.” (Ray Mark Patriarca)