Isko pabida, papogi

Producer ng ‘Malvar’ type maging Presidente si Isko

Madaling intindihin kung bakit sobrang emosyonal ngayon si Mayor Isko Moreno. Nananalamin kasi siya sa mga nagaganap sa ating lipunan ngayon.

Alam niya ang kalam ng bituka ng mga mahihirap, alam niya ang ikot ng maghapon ng mga taong walang-walang madudukot sa bulsa kapag lumaganap na ang gutom, ilang dekada pa lang ang nakararaan ay nasa ganu’ng estado siya.

Si Mayor Isko, lalahatin na namin, ang tunay na makapagsasalita kung paano maging mahirap. Kapag kahirapan na ang pinag-uusapan ay siya ang pinakapaniniwalaan dahil ‘yun ang dati niyang mundo.

Kundi pa siya nadiskubre ni Daddie Wowie Roxas sa isang lamayan ay siguradong namamatsoy pa rin siya ng mga basura ngayon at sumisisid sa pier para makapamulot ng mga boteng maibebenta nila ng kanyang mga kapwa taga-Tondo.

Pero nakasulat sa mga palad ng basurerong si Scott ang pagkakaroon ng magandang buhay, ang pagsikat, ang paglilingkod sa kanyang mga kababayan.

Isang pulitikong tulad lang ni Mayor Isko Moreno ang literal na makapagtatawid ng buhay ng isang mahirap. Du’n siya nagmula. ‘Yun ang kanyang dating mundo.

Nginitian lang siya ng kapalaran.

Pero kung minsan, kapag hindi natin narendahan, ay inililigaw tayo ng emosyon. Napaiibabawan ng damdamin ang mga katwiran. Tulad ng nangyayari ngayon sa mayor ng Maynila.

Sa sobra niyang paglulubalob sa isyu ng kahirapan ay meron na siyang nasasaktan. Hindi naman sadya, pero sa ginagawa niyang pangmemenos sa trabaho ng kanyang mga kapwa pulitiko, ay pagpapapogi at pagpapabida ang nagiging interpretasyon ng marami.

Isa sa mga umalma sa kanyang mga inililitanya ay si Senador Bong Revila. Nasaktan ang aktor-pulitiko sa patambis ni Mayor Isko na kumilos naman daw sana sila.

Magkahiwalay ang mga pinanghahawakan nilang posisyon. Ehekutibo ang kay Mayor Isko at lehislatibo naman ang kinabibilangan ng mga senador.

Si Mayor Isko, bilang tagapamuno ng kanyang nasasakupan, ay pisikal at literal na nakikita sa kanyang pagseserbisyo. Nalalapitan siya, nasasalat, nakikita nang personal ng kanyang mga kasiyudad.

Pero ang mga senador, hindi man nag-iikot, ay nagtatrabaho sila para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Sila ang nagpapasa ng mga batas na iniimplementa naman ng mga tagapamuno ng mga nasa ehekutibong lebel.

Ang lahat ng aksiyong ginagawa ng mga mayor ay galing sa batas na ipinapasa ng Senado at Kongreso, tulad ng Bayanihan Act, mga senador ang nagtrabaho nang seryoso para du’n.

Maganda ang punto ni Senador Bong Revilla, hindi ito panahon ng paghahanap at panglalaglag sa mga kapwa pulitiko, ito ang oras ng pagtutulungan.

Kung anumang tulong ang kayang gawin at ibigay ng lahat ng mga lingkod-bayan sa panahong ito ng indulto ay napakahalaga malaki man ‘yun o maliit lang.

Hindi ito panahon ng pagpapapogi, ng pagpapabibo, maraming salamat kung merong magandang nagagawa ang mga pulitiko pero huwag sana nilang gamiting sandata ‘yun para menosin ang mga lingkod-bayan na hindi lang naman nagpapasarap sa buhay.

Kaya nga sila tinawag na lingkod-bayan, kakambal ‘yun ng posisyong ipinagkatiwala sa kanila ng mga botante, sa ayaw at sa gusto nila ay kailangan nilang tuparin ang mga pangakong isinigaw nila sa entablado de kampanya.

Bukal sa pusong pagseserbisyo, dikta ng pusong paglilingkod, ‘yung walang ibang kapwa pulitikong minemenos at hinahanapan ng butas.