Isko rumonda ! Barangay chairman, 4 kagawad nasampolan sa tupada

Nasampolan ng `shame campaign’ ni Manila Mayor Francisco ` Isko Moreno’ Domagoso ang isang barangay c hairman kasama ang apat na kagawad sa Caloocan City na pasimuno umano sa tupada sa loob ng Manila North Cemetery noong nakalipas na Mahal na araw.

Inikutan ni Moreno pasado alas- 3:00 ng hapon matapos na makipag koordinasyon kay Caloocan Mayor Oca Malapitan ang Barangay 129 sa Caloocan City at nanawagan gamit ang megaphone para sumuko sa lokal na pamahalaan ng Maynila sina chairman Brix John Rolly L. Reyes at mga barangay kagawad na sina Alfie Lacson, Romualdo Reyes alias ‘Udong ‘ , John Cris Domingo alyas ‘Tenga’ at isang ‘Cabron’ ng Barangay 131.

Umapela sa mga residente si Moreno na sabihin sa mga nabanggit na mga barangay official na sumuko at magpaliwanag dahil sa ginawa nilang iligal na pasabong sa loob ng MNC.

“Sabihin ninyo kay Barangay Brix John Rolly L. Reyes, barangay kagawads Alfie Lacson; Romualdo Reyes alyas ‘Udong at John Cris Domingo alias ‘Tenga’ at isang ‘Cabron’ ng Barangay 131,magsisuko sila sa lokal na pamahalaan ng Maynila at huwag na silang magtago sa Pangasinan,”ayon kay Moreno.

Umani naman ng suporta sa mga residente ng Caloocan ang ginawa ni Moreno, habang nagsisigawan at kumukuha ng larawan ay panay naman ang paalala ni Moreno na sundin ang `social distancing’.

Una nang nakapuslit ang mga nabanggit na mga barangay official sa isinagawang pagsalakay ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) pinamumunuan ni PMaj. Jhun Ibay sa loob ng sementeryo.

Alas- 9:00 naman ng gabi nang ipaalam ni Malapitan kay Moreno na sumuko na sina Reyes ,Lacson at Domingo at dinala sa Manila City Hall para masampahan ng kaso.

Pinuri naman nj Moreno si Malapitan dahil sa hindi nito pagkunsinti kay Reyes at mga kagawad nito.

Sinabi ni Malapitan na kanyang kakasuhan at sususpindihin sa kanilang tungkulin ang mga barangay official.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Cockfighting), Republic Act 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Event of Public Health Concern Act) at Article 151of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of such Person) in relation to Proclamation No. 922 series of 2020 (Declaring the State of Public Health Emergency throughout the Philippines) ang mga barangay officials sa Manila Prosecutors Office.(Juliet de Loza-Cudia)