Isko sa mga netizen: Pasaway sa liquor ban i-post niyo!

Hiningi ni Mayor Isko Moreno ang tulong ng mga netizen para maaresto ang mga nag-iinuman sa pampublikong lugar at nagbebenta ng alak kasunod ng pag-iral ng liquor ban na kanyang inutos ipatupad sa Maynila sa harap ng banta ng COVID-19.

Sinabi ni Moreno na ang gagawin lamang ng mga netizen ay i-post sa social media para makarating kaagad sa mga awtoridad at sila na ang bahalang umaksiyon.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Moreno ang lahat ng mga netizen na patuloy sa pagpapadala sa kanya ng mga larawan ng mga lalaking nakahubad at walang suot na pang-itaas na pakalat-kalat sa kalye kahit na may ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Ang paglalakad ng nakahubad ay isang paglabag sa isang ordinansa na ipinatutupad sa siyudad ng Maynila.

“Dun sa nagpapadala, thank you for the pictures and videos of your neighbors who continue to disregard the gravity of the country’s current situation. ‘Yon bang binabalewala nila ang mismong pamayanang kinabibilangan nila? Thank you for being responsible and vigilant,” ayon sa alkalde.(Juliet de Loza-Cudia)