Umapela si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso sa mga health worker na pairalin ang maximum patience habang sila ay kumakalinga sa mga mahihirap na pasyente.
Gayundin sa mga pasyente na matuto naman na magpasalamat sa mga health worker na tumutulong at nagsilbi sa kanila.
Sa pagsasalita ni Moreno sa mga doktor at nurse ng mga hospital pinatatakbo ng lokal na pamahalaan, nanawagan si Moreno na habaan pa nila ang kanilang mga pasensiya.
‘Mahalin natin ang pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos. Saan ka nakakita na may trabaho ka na, tapos akinse at atrenta bumagyo o maka-delubyo, may sahod ka dahil sa pagtulong sa kapwa? Ibinilang na natin ang sarli sa public service kaya harapin natin,’ ayon kay Moreno.
‘We are involved in the business of ‘people helping people’ kaya hinihingi ko ang malawak na pag-iisip ninyo, kaya nga tayo tinawag na ‘professional,’ dagdag pa ni Moreno.
Sinabi naman ni Moreno na kapag maysakit ang isang mahirap na tao, tinatanggalan mo sila ng pagkakataon na maka-survive sa kanilang pang araw araw na pangangailangan.
‘Yung nanay ko nung nagkasakit ako noon, dinala ako sa San Lazaro. Iniwan ako sa magkakatabing kama pinakiusap na bantayan ako sa ward kasi kailangan niyang umuwi dahil kailangan niyang maglabada para makabili ng gamot.
Ganun ang sitwasyon ng isang mahirap kaya konting kibot, nagiging irritable,’ ani Moreno.
(Juliet de Loza-Cudia)