Patay ang isang hindi pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang i-iskor ng shabu matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naglalakad kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Barangay Palatiw, Pasig City.

Sa kasalukuyan ay ina­alam pa ng Pasig police ang pagkakakilanlan ng biktima na tinatayang nasa edad 30 pataas, may sputnik na tattoo sa kanang bahagi ng hita, may taas na 5’6 at nakasuot ng kulay pulang t-shirt at gray na short.

Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling araw sa Evangelista Compound, San Agustin st Barangay Palatiw ng nasabing lungsod.

Napag-alaman na naglalakad ang biktima sa lugar ng bigla na lang isang motorsiklo ang dumating lulan ang dalawang suspek at apat na beses pinagbabaril ang una dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na hindi residente ng lugar ang biktima at posibleng iiskor umano ito ng shabu sa lugar nang matiyempuhan ng pinaniniwalaang mga vigilante.