Muling naharap sa kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP) nitong mga nagdaang buwan matapos ang halos magkakasunod na kasong panggagahasa na kinasasangkutan ng mga pulis.
Base sa nakalap ng Abante mula sa PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS), umabot sa siyam na kaso ng panggagahasa na kinasasangkutan ng mga pulis ang naitala.
Puri kapalit ng kalayaan
Oktubre 26, 2018 nang maganap umano ang panggagahasa ni PO1 Eduardo Valencia, nakatalaga sa Sampaloc station ng Manila Police District sa isang 15-anyos na dalagita.
Nahuli ng pulis ang mga magulang ng dalagita sa kasong iligal na droga at bilang kapalit ng kalayaan ng kanyang mga magulang ay kinakailangan umanong sumunod siya sa kagustuhan ni Valencia.
Matapos ang ilang pag-uusap ay napapayag ni Valencia ang biktima sa gusto nito kaya dinala nito ang dalagita sa isang motel sa Sta. Mesa at doon naganap ang panggagahasa. Nagreklamo naman ang biktima at kinasuhan si PO1 Vlencia na mariing itinatanggi ang akusasyon sa kanya.
Nobyembre 9 naman nang ireklamo ng panggagahasa ang dalawang pulis na nakatalaga sa Novaliches Police Station 4 ng Quezon City Police District ng isang 22-anyos na babae na kanilang ginahasa sa loob ng mobile car.
Ayon sa biktima, Nobyembre 8 ng gabi nang hulihin siya, kasama ng limang iba pa, nina PO1 Jayson Portugues at PO1 Severiano Montalban habang nagsusugal sa Plaza sa Novaliches at para sa inquest proceedings ay dinala sa ospital ang mga nadakip na suspek upang sumailalim sa medical test.
Subalit sa salaysay ng biktima, pinaiwan siya sa loob ng mobile car at hindi umano siya isinama sa lima pang nahuli sa loob ng ospital.
Inalok umano siya ng dalawang pulis kung gusto niyang makipag-areglo kapalit ng kanyang kalayaan at sa loob mismo ng mobile car ay una umano siyang ginahasa ni Montalban na sinundan naman ni Portuguez.
Inamin naman ng dalawang pulis ang kanilang ginawa sabay paghingi ng tawad sa publiko at kanilang nabiktima.
Pulis biktima ng kabaro
Nobyembre 12 naman nang gahasain ang isang policewoman na may ranggong PO1 ng kanyang police trainer sa loob ng training center ng Maritime Trooper Course sa Puerto Prin-cesa, Palawan.
Kinilala ang suspek na si PO3 Jernie Languin Ramirez, 29, assistant instructor ng Maritime Trooper Course.
Batay sa reklamo ng biktima, naka-duty ito kasama ang isa pang pulis nang dumating si Ramirez at pinilit umano siyang isinama para mag-roving inspection sa paligid ng training camp.
Subalit pagtapat umano ng comfort room na pambabae ay itinulak ng suspek ang biktima papasok sa loob ng banyo at doon ay pinaghahalikan sa labi ang dalagang pulis at pagkatapos ay puwersahang dinala sa isang kuwarto sa ikalawang palapag at doon isinagawa ang panggagahasa.
Nagsumbong ang biktima sa kanilang superior dahilan upang ipaaresto ang suspek.
Ang mga naging suspek na pulis ay kasalukuyang nakakulong at sinampahan ng kasong kriminal at administra-tibo dahil sa ginawang panggagahasa.
Pinakamaraming naitalang kaso ng rape sa Region 3, sumunod sa Metro Manila, Calabarzon, at Zamboanga Peninsula dagdag pa ni Triambulo. (Edwin Balasa)