Gumagawa ng kani-kaniyang ingay ang Bureau of Customs (BOC) at ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na kapwa nakakaladkad ngayon sa eskandalo.
Ang BOC ay iniimbestigahan dahil sa pagkakapuslit sa P6.4 bilyong halaga ng iligal na droga na kalaunan ay natunton ng pinagsanib na puwersa ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang warehouse sa Valenzuela City.
Ang liderato naman ng Kamara sa katauhan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ay kinakaladkad ngayon ng Chief of Staff ng BOC na si Atty. Mandy Therese Anderson dahil sa umano’y panggigipit sa kanya na i-promote ang isang inirerekomendang opisyal sa BOC.
Pinalalabas ng kampo ng BOC na ginagamit ni Alvarez ang kanyang kapangyarihan para makapag-promote.
Sa katunayan, lumabas ang sinasabing recommendation letter ni Alvarez ay para sa isang opisyal ng BOC.
Sa ganang akin at sa aking nalalaman, matagal nang kalakaran ang ganitong sistema.
Kumbaga hindi lang si Speaker malamang ang gumagawa ng ganitong rekomendasyon.
Kung babaybayin natin ang mga nagdaang administrasyon at kahit sa kasalukuyang liderato, malabong walang ganitong pa-padrino system na umiiral.
Pero kung matino kang opisyal at nasa bayan ang iyong katapatan, hindi mo kailangang magpa-pressure. Ibabase mo pa rin ang desisyon sa tunay na kwalipikasyon.
Kaya ang sa akin, mahina ang pasabog ng BOC.
Kaya tuloy mukhang mas posible ang pananaw ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na istratehiya lamang ng COS ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang pagtawag kay Speaker Alvarez na “imbecile” sa isang Facebook post para mabaling ang atensyon ng publiko sa lider ng Kamara at hindi sa pagkakapuslit ng P6.4B shabu sa BOC.
Kaya dapat huwag magpatinag ang Kamara. Huwag magpadala sa ingay ng mga taga-BOC na malamang ay maraming kalokohan kaya gumagawa ng isyu upang hindi sila maging sentro ng kontrobersiya dahil kung hindi ay malalagot silang muli kay Pangulong Rodrigo Duterte na gigil na sa katiwaliang nangyayari sa nasabing tanggapan ng gobyerno.
Kaakibat nito ay may malaking anunsyo raw na gagawin si Com. Faeldon ngayong araw.
Ayon sa ating nakalap na info, nagpalabas daw ng memorandum si Com. Faeldon sa pamamagitan ng Public Information and Assistance Division (PIAD) ng BOC na nag-aatas sa lahat ng District Collectors na tumutok ngayong araw sa nationwide flag raising ceremony dahil may napakahalagang anunsyong gagawin si Com. Faeldon.
Hiningi rin daw ang presensiya ng lahat ng empleyado ng BOC sa nasabing aktibidad na ayon pa rin sa PIAD ay ibo-broadcast via Facebook live streaming ang anunsyo kaya lahat kahit mga nasa pantalan ay dapat tumutok.
Pasabog nga kayang masasabi ang gagawing anunsyong ito ni Faeldon, o pang-divert na naman sa paggisa sa kanilang tanggapan?