Naungkat ang isyu ng mga ninja cop sa Philippine National Police (PNP) matapos magsalita ang pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at dating hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Mga pinuno ng mga ahensiyang nakatutok sa illegal drug trade sa bansa pati na kung paano kumilos at gumalaw ang bentahan ng shabu ng mga sindikato ang nagsabing may ilang miyembro ng PNP ang sangkot sa recycling ng shabu.

Ayon sa dalawang opisyal, kahit anong pagsisikap ng gobyerno na malutas ang problema ng iligal na droga, mayroon pa ring mga ninja cop na ayaw magpaawat sa kabila ng matinding babala ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tiwaling opisyal ng PNP.

Pero mariin namang itinanggi ni PNP Director General Oscar Albayalde ang pahayag nina PDEA Director General Aaron Aquino at dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Wala na aniya ang sindikato ng mga ninja cop sa hanay ng PNP at ang mayroon na lamang ay mga police scalawag na gumagawa ng sariling diskarte para kumita sa iligal na paraan.

Bagama’t nagpaliwanag na ang PNP chief kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang isyu.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakikinig ang Pangulo at bilang abogado ay pinapakinggan nito ang magkabilang panig.

Nasa Pangulo na ang listahan ng mga ninja cop at nasa desisyon na nito kung isasapubliko ang pangalan ng mga ito.

Batid ng publiko na suko hanggang langit ang galit ng Presidente sa mga sangkot na illegal na droga dahil sinisira nito ang buhay ng mga Pilipino kaya alam na ng mga pulis ang kahahantungan kapag hindi nakinig sa babala nito.

Ang inaabangan ngayon ng publiko ay kung ano ang magiging aksiyon ni Pangulong Duterte sa listahang ibinigay sa kanya ng Senado na naglalaman ng pangalan ng mga pulis na sangkot sa recycling ng illegal na droga.

Ayon kay Panelo, nakausap na ng PNP chief ang Pangulo at nagpaliwanag sa uminit na isyu ng mga ninja cop.

Ang hindi lang alam ng tagapagsalita ng Palasyo ay kung nakausap na rin ni Pangulong Duterte sina Aquino at Magalong at narinig ang bersiyon ng mga ito sa ninja mga cop.

Ang suma tutal, sino ngayon ang papakinggan at paniniwalaan ng Pangulo?