Kasama sa mga isyung tatalakyin ng mga miyembro ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa idaraos nilang plenary assembly ang nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Gaganapin ang pagtitipon ng mga Obispo simula ngayong araw.
Ayon kay Fr. Marvin Mejia, secretary general ng CBCP, hindi nila maaaring isnabin ang isyu sa eleksyon dahil mahalagang okasyon ito para sa pagpili ng mga lider sa bansa.
Alam din aniya nila ang importansya ng Simbahan tuwing sasapit ang eleksyon dahil isa sila sa mga hinihingan ng patnubay ng mga botante.
Sabi ni Mejia, maglalabas din sila ng pahayag na magsisilbing gabay ng mga botante sa gagawin nilang pagboto.
Magiging laman umano nito ang mga katangian ng isang kandidato na dapat iboto.
Gaya ng dati, idiniin ni Mejia na hindi mag-eendorso ng sinumang kandidato ang CBCP.