Nagkakaisa ng pananaw sina Pangulong Rodrigo Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na resolbahin sa maayos at mapayapang paraan ang isyu sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Sa joint statement ng dalawang lider pagkatapos ng kanilang bilateral meeting sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na mahalagang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa South China Sea at ang maayos na pagkakasundo sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Sinabi ng Pangulo na hindi kailangang gumamit ng puwersa o pagbabanta at sa halip ay sundin ang kinikilalang mga prinsipyo sa international law.

“We emphasized the importance of maintai­ning and promoting peace, security, stability, safety and freedom of navigation and overflight over the South China Sea, as well as the peaceful settlement of disputes. This is, without resort to the threat or use of force, in accordance with the universally recognized principles of international law,” anang Pangulo.

Ang Malaysia ay kasama rin sa mga bansang naghahabol sa mga teritoryo sa South China Sea.

Sinabi pa ng Presidente na natalakay din nila ni Prime Minister Mahathir ang hangarin ng international community na manatili ang kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula sa harap ng patuloy pa ring banta ng North Korea na paggamit ng armas nukleyar.

“We shared the international community’s hope for peace and stability in the Korean Peninsula and noted efforts by relevant parties to achieve progress through dialogue,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi naman ni Mahathir na bukod sa mga nabanggit ay napag-usapan din aniya nila ni Duterte ang mga isyung panseguridad at tiniyak ang tulong ng kanyang gobyerno para labanan ang terorismo at violent extremism sa pamamagitan ng Trilateral Cooperation Agreement.